2023 FIBA BASKETBALL WORLD CUP ASIAN QUALIFIERS

41 ni Brownlee hindi sumapat; tangkang 25-point comeback ng PHI, sinupil ng Jordan

Gilas kinapos sa Falcons

Rodolfo Dacleson II
8 min readMar 5, 2023
Nagtapos ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers sa pagkatalo kontra bumibisitang Jordan sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan. (Larawan mula FIBA)

BOCAUE, Bulacan — Nakabangon man mula sa 25-point pagkabaon sa first half, hindi naman nakumpleto ng Gilas Pilipinas ang comeback win upang maisuko ang kanilang huling laro sa sixth window ng 2023 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers kontra Jordan, 91–90, sa Philippine Arena, Lunes (Pebrero 27).

Nabigong masundan ng Philippine men’s national basketball team (PMNBT) ang kanilang 107–96 pananaig sa Lebanon sa kabila ng impresibong laro ni naturalized player Justin Brownlee.

Kumamada ang resident import ng Barangay Ginebra San Miguel Gin Kings ng 41 points mula sa 61.5 percent field goal shooting, tampok ang 5/7 three-pointers, kalakip ang 12 rebounds, 3 assists at 1 block, ngunit kinulang pa rin para sa kampo ni Chot Reyes.

Sumegunda naman kay JB ang kanyang Gin Kings teammate na si Jamie Malonzo na nagrehistro ng 11 markers, 5 boards at 3 steals ngunit hindi rin ito sumapat upang malasap ng Gilas ang kanilang ikaapat na talo sa 10 laro sa qualifying.

Hindi nakaulit ang Gilas sa Jordan na tinalo nila noong fifth window sa sarili nitong teritoryo sa Prince Hamzah Hall sa Amman, 74–66. Ito ang bukod-tanging talo ng Jordanian squad sa kanilang homecourt kaya’t nais nilang mabawian ang Pilipinas.

Nanguna sa pagresbak ng Falcons si naturalized shooting guard Dar Tucker na nagsumite ng double-double 22 points at 12 rebounds.

Nagdagdag naman si Freddy Ibrahim ng 19 markers at 8 assists habang nagtala ng 10 puntos si Zaid Abbas off the bench para sa Jordan na tinuldukan ang sixth window tangan ang 2–0 kartada sa dalawang away games.

Tinapos ng Falcons ang Asian Qualifiers bitbit ang 6–4 imakulada upang selyuhan ang kanilang puwesto sa nalalapit na Basketball World Cup na gaganapin sa Pilipinas, Japan at Indonesia sa mga buwan ng Agosto at Setyembre ngayong taon.

Jordan Nalampasan Sina Brownlee, PH

Pinangunahan ni Dar Tucker ang paggapi ng Jordan sa Pilipinas. (Larawan mula FIBA)

Buwenas at composure sa endgame ang sinandalan ng Jordan upang maitakas ang makapigil-hiningang panalo kontra Pilipinas sa Bulacan.

Ilang beses nagkaroon ng pagkakataon ang Gilas na maagaw ang unahan ngunit nabigo sila Brownlee, Bobby Ray Parks Jr. at Dwight Ramos na maipasok ang kanilang three-pointers.

Nakabingwit man ng foul si Scottie Thompson at nabibiyayaan ng dalawang free throws sa nalalabing 30 segundo, naimintis niya naman parehas ang mga ito.

Sa sumunod na play, napigilan pa ng Gilas si Ahmad Alhamarsheh na makaiskor upang makuha ang huling ball possession at subukang ipanalo ang laban ngunit sumablay ang game-winner ni Parks.

Kitang-kita sa mukha ni reigning PBA Most Valuable Player Thompson ang pagkadismaya sa kanyang dalawang sablay na free throws na ayon sa kanya:

“Biggest missed free throws ko to sa career ko. I’m gonna learn from this.”

“Sobrang dami kong nabigong mga Pilipino. Masakit po for me, but I think eto yung pinaka best na [reminder] sakin na I have to get better pa,” dagdag pa ng dating University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) Altas.

Free Throw

Tumutukoy ang free throw (FT) sa libreng shots na ibinibigay sa manlalaro ng offensive team matapos mag-commit sa kanya ng foul ang depensa habang nasa akto siya nang pagtira. Masasabing ito na ang pinakamadaling paraan ng pag-iskor sa basketbol dahil walang bantay na pipigil sa player sa pag-shoot ng kanyang FTs.

Nadedetermina ang bilang ng FT na iginagawad sa player depende kung nasa loob ba siya ng three-point line o hindi. Basta’t sa inside ginawa ang ilegal play para mapigilan siyang umiskor, dalawang FTs ang ipagkakaloob, samantalang tatlo naman kung from beyond the arc.

Nadaig man sa sariling pamamahay, hindi naman basta hinayaan ng Gilas na makatakas ang Falcons tangay ang matamis ng paghihiganti. Butas ng karayom ang nilusutan ng bataan ni Wesam Al-Sous bago maisakatuparan ang kanilang balak.

Nagpaulan ng 12 tres ang Jordan sa first half upang ibaon ang Pilipinas ng 25 puntos, 41–26, tungo sa pagtapos ng unang 20 minuto taglay ang 19-point lead, 60–41.

Pagdating ng third quarter, nalimitahan ng depensa ng Gilas sa 10 puntos lamang ang Falcons habang nagrehistro naman ng 17 points si JB upang maibaba sa anim ang kalamangan, 70–64, sa pagtatapos ng naturang yugto.

Isang 8–2 run ang ginamit ng Pilipinas upang itabla ang laro sa 81-all sa natitirang 5:27 ngunit nakaalagwa muli ang Jordan sa three-pointer ni Alhamarsheh kasunod ang bucket ni Abbas.

To the rescue si Parks na nakapulot ng foul kay Sami Bzai na sinundan ni Brownlee ng kanyang one-handed dunk upang idikit sa 86–85 ang Gilas.

Nakalayo man muli ng tatlong puntos, 88–85, sa dalawang FTs ni Ibrahim ang Jordan, naitabla naman ng Pilipinas ang laban sa 88-all sa dakdak ni Malonzo may 1:48 pang natitira matapos ang 1/2 charities ni Parks.

Muling nakabalik sa free throw line si Ibrahim ngunit isang charity lang niya ang pumasok. Mabuti na lang at nakapagtala ng dunk si Caden Chudri Zuheir Alnajdawi upang igiya sa 91–88 lead ang Jordan.

Naibaba pa sa isa ng Gilas ang bentahe, 91–90, sa jumper ni Brownleee — kumayod ng 12 points sa fourth period — sa natitirang 1:30 minuto ngunit hanggang dito na lamang ang kanyang kinaya at ng buong bataan ni Reyes.

Nakakuha ng 9 points at 4 assists ang Pilipinas kay Jordan Heading habang trumabaho naman ng 8 points, 5 assists at 4 rebounds si Parks kasunod ang inilistang 7 markers at 6 boards ni Ramos — ang nag-iisang manlalaro ng Pilipinas na naglaro sa lahat ng 10 laro ng bansa sa qualifying.

Takeaways sa Talo ng PHI Kontra JOR

Pinamanuan ni Justin Brownlee ang matikas na ratsada sa second half ng Gilas Pilipinas upang makabalikwas mula sa 25-point deficit. (Larawan mula FIBA)

Mapait man ang kinahinatnan ng laro kontra Jordan, hindi maitatangging lumaban hanggang dulo ang Pilipinas. Bahagi lamang ang pagkatalong ito sa mahaba-haba pang paglalakbay na susuungin ng pambansang koponan patungo sa nalalapit na Basketball World Cup na isa ang bansa sa hosts. “We win some, we lose some,” ani W Gameplay PH.

Ano-ano nga ba ang maaari nating makuha at matutuhan tungkol sa Gilas sa larong ito? Narito ang mga kasagutan:

May Ibubuga si JB

First half pa lang na napag-iwanan nang husto ang Gilas, pinuntirya na agad ng ilang Pinoy fans ang mababang produksiyon ni Brownlee kahit na nagrehistro siya ng 11 puntos sa naturang yugto. Sa mga ganitong sitwasyon ‘di umano mas kinakailangan ng Pilipinas ang isang Jordan Clarkson. Sa kabila ng mga negatibong komento, may pinatunayan si JB at pinatahimik lang naman niya ang mga kritiko sa itinalang 41-point masterpiece.

Ibinuhos ni Brownlee ang 17 sa kanyang 41 puntos sa third period kung saan mag-isa niyang inungusan sa scoring ang Jordan na nalimitahan sa 10 points lamang. Sa final canto, nagpagpatuloy ang kanyang opensiba sa pagkamada ng 12 markers.

Nagtapos si Brownlee taglay ang shooting na 58/71/80 (2PT FG%/3PT FG%/FT%). Sa mga porsyentong ito, nakapagtala si JB ng 71.15 effective field goal percentage (eFG%), tampok ang 73 true shooting percentage (TS%). Nangangahulugan lamang ang mga istadistikang ito na nasa perimeter man, three-point area o free throw line ang tubong Tifton, Georgia, United States of America (USA), kayang-kaya niyang umiskor ng may mataas na porsyento.

Effective Field Goal Percentage

Isang istadistika sa basketbol ang effective field goal percentage (eFG%) na sumusukat sa kabuuang shooting percentage ng team o player kumpara sa tipikal na field goal percentage (FG%) na kinakalkula gamit ang sumusunod na formula:

FG% = FGM/FGA

Kung saan:

FG% = field goal percentage
FGM = field goals made
FGA = field goals attempted

Sa eFG%, binibigyan ng ‘extra weight’ ang three-pointers dahil sa tradisyonal na FG% computation, naisasantabi na mas nakakaiskor ng marami ang team o player sa pamamagitan ng three point shots. Kung FG% ang titingan, pumukol lamang ng 61.5 percent sa field si Brownlee. Ngunit, sa pagkalkula ng kanyang eFG%, 71.15 percent sa shots niya ang pumasok.

Base sa Breakthrough Basketball, ganito makukuha ang eFG%:

eFG% = (2PT FGM + 1.5*3PT FGM)/FGA

Kung saan:

eFG% = effective field goal percentage
2PT FGM = two-point field goals made
3PT FGM = three-point field goals made
FGA = field goals attempted

Humataw din sa ibang departamento si JB kaya’t siya ang naging most efficient player na may efficiency na 42. Nagtala siya ng 12 rebounds, 3 assists at 1 block upang ipamalas ang kanyang all-around game kontra Jordan. Malaking tulong para sa small ball lineup ng Pilipinas ang higit sa 10 boards na kinalawit niya. Samantala, kahit na nag-aapoy ang kanyang mga kamay, ipinapasa pa rin niya ang bola sa open guys.

Overall, nabigo mang madala sa kanilang ikalimang sunod na tagumpay ang Gilas sa qualifiers, impresibo ang ipinamalas na laro ng 34 taong gulang na Gin Kings small forward (SF)/power forward (PF). Hindi man siya naglalaro sa National Basketball Association (NBA) gaya ni Clarkson, naipakita naman niya ang kanyang kalibre sa pagiging role player sa koponan.

Solidong Gilas D sa Second Half

Depensa sa first half ang naging pangunahing problema ng Gilas kontra Jordan. Sinamantala lang naman ng Jordanians ang lapses sa defensive end upang makaiskor ng 60 points na masasabing ‘too much’ sa international games. Statistically, nagawa ng Falcons ang 20 sa kanilang 36 FG attempts, tampok ang 12/24 3FGs. Kahit si College of Saint Benilde Blazers Charles Tiu ito ang napansin ayon sa kanyang tweet:

Sa second half, depensa rin ang naging solusyon ng Gilas sa kanilang problema. Dahil sa defensive adjustments na kanilang inilatag sa second half, napabagal at napalamig nila ang nagbabagang opensa ng Falcons.

Pinaiskor lamang ng Pilipinas ng kabuuang 31 points ang Jordanians sa huling 20 minuto — 10 sa third quarter at 21 naman sa fourth quarter. Pinaramdam ng Gilas ang higpit ng kanilang pagbabantay partikular na kina Tucker at Ibrahim na kapwa umiskor ng 16 points sa first half. Tumikada lamang ng 6 points sa second half mula sa malamyang 3/11 shooting si Tucker habang tatlong FTs na lang ang naiskor ni Ibrahim matapos magpasiklab sa opening half taglay ang 62.5% clip (5-of-8 FGs).

Kung walang adjustments sa depensa, maaari napanatili o napalabo pa ng Jordan ang kalamangan. Kudos sa Gilas for a job well done defensively.

Poor Start at Sorry Misses sa Endgame

Hindi naging maganda ang simula ng PHI VS JOR para sa Gilas dahil first quarter pa lang, natambakan na sila ng Falcons, 33–14. Sa pagtatapos ng first half, nakapagbitbit ng 19-point lead ang Jordanians.

Unti-unti nakaahon mula sa malalim na hukay ang Pilipinas ngunit hindi maipagkakailang naghabol lang ang Gilas all-game long para matalo.

Sa dulo ng fourth quarter, nagkaroon ng maraming tsansa ang Gilas na makuha ang kalamangan ngunit nabigo silang mai-convert ang mga ito, lalong-lalo na si Thompson na nagsablay ang dalawang FTs. Masuwerteng nakaligtas ang Jordan matapos umalog palabas ng ring ang tira ni Parks.

Sa larong ito, napatunayan na hindi sapat ang momentum upang mabaligtad ang kalalabasan ng isang laro. Mahalaga pa rin ang magandang panimula upang maireserba ang lakas para sa mga kritikal na sandali ng laban. Bukod pa rito, mas mainam pa ring mag-settle sa higher percentage shots dahil mas efficient at effective ito.

--

--

Rodolfo Dacleson II

Certified sports junkie who loves watching replays of matches that resonated on him. Trying hard to deepen perspective about sports statistics.