2023 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers

Brownlee, Gilas gumanti sa Wael Arajki-less Lebanon

Paghimay sa panalo ng Pilipinas kontra Cedars

Rodolfo Dacleson II
10 min readFeb 28, 2023
Nadepensahan ng Gilas ang kanilang teritoryo kasabay nang pagresbak sa Lebanon sa ikalawa at huli nilang pagtatapat sa Asian Qualifiers sa Philippine Arena. (Larawan mula FIBA)

BOCAUE, Bulacan — Matamis ang naging paghihiganti ng Gilas Pilipinas matapos pataubin ang Lebanon, 107–96, sa sixth window ng 2023 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers sa Philippine Arena, Biyernes (Pebrero 24).

Nagpakitang-gilas si Justin Brownlee sa kanyang unang laro bilang naturalized player nang magtala ng 17 points mula sa 7/14 shooting, tampok ang dalawang three-pointers, upang pangunahan ang nationals sa pagbawi kontra Cedars.

Sa fifth window ng qualifying tournament, ginapi ng Lebanese squad sa kanilang teritoryo sa Beirut ang Gilas sa kabila ng presensya ni Utah Jazz player Jordan Clarkson.

Nagpasiklab din sa harap ng kanilang mga kababayan sina high-flying Jamie Malonzo na nagdagdag ng 15 puntos at Ateneo De Manila University-bound Mason Amos na nagrehistro ng 13 points.

Umangat sa 6–3 kartada ang Pilipinas habang nalasap naman ng Lebanon ang kanilang ikalawang talo sa siyam na laro.

Tatapusin ng pambansang koponan ang Asian Qualifiers sa Lunes, Pebrero 27, sa ganap na alas-sais ng gabi sa parehas na venue kalaban ang Jordan. Dinaig ng Pilipinas ang Jordanian squad, 74–66, noong November window.

Samantala, bibiyahe naman ang Lebanon patungong New Zealand para sa kanilang muling pagtutuos ng Tall Blacks. Pinabagsak ng Cedars ang Kiwis sa una nilang pagtatapat noong Nobyembre 2022, 77–65.

Nagpakawala ng walong tres ang Gilas sa opening half upang makapagtatag ng 12-point lead, 53–41, sa pagtatapos ng unang 20 minuto.

Nagbida sa 11–2 run ng Pilipinas si Malonzo na nakaiskor ng dalawang sunod na dunks upang makaalagwa pa kontra Lebanon, 69–51, may higit apat na minuto pang nalalabi sa third quarter.

Binuksan naman ng triple ni Amos ang 82–64 kalamangan ng Gilas na lumobo pa sa 90–67 sa final canto, may natitira pang 8:21 minuto, at mula rito, hindi na nakahabol pa ang mga Lebanese.

Bumandera para sa Lebanon si Amor Saoud na tumabo ng game-high 27 points habang nag-ambag naman ng 21 markers si Hayk Gyokchyan.

Naglaro ang Cedars na wala si reigning FIBA Asia Cup Most Valuable Player (MVP) Wael Arakji.

Awtomatikong nakapasok ang Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup bilang host habang ang kanilang impresibong win-loss record naman ang nagdala sa Lebanon sa quadrennial tournament.

Magiging katuwang ng Pilipinas bilang host ng Basketball World Cup ang Japan at Indonesia. Nakatakda ang naturang kompetisyon mula Agosto 23 hanggang Setyembre 10.

Paano Nasilat ng Gilas ang Lebanon?

Si June Mar Fajardo ang nag-iisang legitimate center ng koponan sa sixth window ng 2023 FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers. (Larawan mula FIBA)

Impresibo ang Gilas kontra Lebanon at upang higit na maunawaan ang tagumpay nilang ito, narito ang mas malalim na paghimay sa kalidad ng basketbol na kanilang nilaro.

Kumagat ang Small Ball ng Pilipinas

“Height is might” sa larong basketbol kaya’t naging malaking kawalan sa Gilas ang pagliban nina big men Japeth Aguilar at Kai Sotto. Piniling lumiban ng sentro ng Barangay Ginebra San Miguel Gin Kings dahil sa tinamo nitong MCL sprain sa Philippine Basketball Association (PBA) Governor’s Cup. Samantala, pagtutuunang-pansin naman ng 7-foot-2 center na si Sotto ang kanyang muling pagsali sa National Basketball Association (NBA) draft, ayon sa isang media report.

Sa pagkawala nina Aguilar at Sotto, nabawasan ng tao sa front court ang Gilas. Naiwan ang responsibilidad ng rebounding at pagdepensa sa shaded lane sa bukod-tanging center sa lineup na si six-time PBA Most Valuable Player (MVP) June Mar Fajardo.

Dahil sa kakulangan ng front court options, hindi nakapagtatakang maraming guards ang napasama sa final 12-man Philippine roster. Marami man ang nagduda rito, pinatunayan ni Brownlee at mga kakampi ang kanilang sarili bilang epektibong small ball team na binuo ni Gilas mentor Chot Reyes at kanyang coaching staff.

Small Ball System

Tumutukoy ang small ball (SB) sa istilo ng paglalaro ng basketbol na walang tradisyonal na five o center at nakapokus sa bilis, gayundin sa three-point shooting. Offense-oriented din ang SB system kaya’t kalimitang high scoring ang laro ng koponang nag-iimplementa nito. Pinasikat ng Golden State Warriors ang naturang istilo sa kalagitnaan nang nagdaang dekada sa likod nina all-time NBA three-point leader Stephen Curry at Klay Thompson o mas kilala bilang “Splash Brothers”, katuwang si 6-foot-6 Draymond Green bilang kanilang sentro.

Bumawi sa bilis, magandang ball movement at teamwork ang Gilas na nagbigay sa kanila ng open looks sa labas. Nagbunga ito ng 17/36 triples (47.2%) upang maduplika ng Pilipinas ang Asian Qualifiers record na naunang naitala ng Japan sa sixth window kontra Iran. Sa kanilang unang walong laro sa qualifying, tumira lamang ng 28.3% (54/189) o 6.7 three-pointers per game ang nationals. Ngayon, siyam sa 12 manlalaro ng bansa ng pumukol ng at least isang tres, kabilang na si Fajardo.

Bukod pa rito, nag-average lamang ng 75.63 points per game (PPG) ang Gilas sa walong laro sa qualifying. Ngunit sa laro kontra Lebanon, umiskor ng 107 points ang Pilipinas na kanilang pinakamataas na score sa lahat ng windows. Patunay lamang ito ng mahusay na execution ng sistemang SB dahil nagbunga ang quickness at shooting ng koponan.

True Shooting Percentage

Sa basketbol, isang advanced statistics ang true shooting percentage (TS%). Sa pagkalkula sa TS%, nalalaman ang overall shooting efficiency ng isang manlalaro. Maliban sa two-point field goals (2PT FGs), kasama sa kalkulasyon ng TS% ang three-point shots at freethrows na naiskor ng isang basketbolista.

Base sa iScore Sports, ito ang mga hakbang upang ma-compute ang TS%:

1. I-compute muna ang true shooting attempts (TSA) gamit ang formula na ito: TSA = Field Goals Attempted + (0.44 * Freethrows Attempted).

2. Oras na makuha ang TSA, maaari nang i-compute ang TS%.

3. I-compute ang TS% gamit ang formula na ito: TS% = points/(2 * TSA)

Good Overall Game

Hindi lamang ang mas magandang three-point shooting ang naging susi sa panalo ng Pilipinas dahil dinomina nila halos lahat ng departmento ng laro. Narito ang mga istadistikang nakatulong sa pananaig ng Gilas kontra Lebanon:

TEAM PLAY OVER INDIVIDUALISM. Nabanggit kanina ang magandang pasahan ng koponan na hindi maipagkakaila dahil mayroon silang 31 assists kumpara sa 17 lamang ng Lebanon. Nahigitan nito ang 18-assist stat na nagawa ng Gilas noong unang beses nilang nakatipan ang Cedars sa Asian Qualifiers. Nalampasan din nila ang kanilang average na 16.2 assist per outing sa unang walong laro sa qualifying.

Unselfish basketball ang ipinamalas ng Gilas na napuri kahit ni Lebanon coach Jad El Hajj. “Honestly, they played today as a team,” saad ni El Hajj sa post game press conference. “The last time, they played more as individual. Today, they shared the ball. They played more as a team. They deserve it,” dagdag pa niya.

TOOK CARE OF THE BALL BETTER. Nalimitahan din ng Gilas ang kanilang turnovers (TO) sa 13 lamang habang may 15 naman ang Lebanon. Noong fifth window, nakapagtala ng 21 TOs ang Pilipinas na sinamantala ng Cedars, may siyam na TOs, upang makahugot ng 22 TO points. Nabaligtad nila ang sitwasyon sa ikalawang pagtatapat matapos magrehistro ng 20 points kontra 13 ng katunggali.

DOMINATED THE GLASS. Nakakagulat pero alam niyo ba na hindi naging balakid sa bataan ni Reyes ang kakulangan sa front court players sa opensa man o depensa? Napagwagian ng Gilas ang rebounding, 38–34, tampok ang 14 offensive rebounds na nagresulta sa 12 second chance points. Nangibabaw din sila sa points in the paint, 42–34. Sa paggamit ng SB style, kinakailangan ang suporta ng smaller guards sa pagkuha ng boards na nagawa naman ng nationals. Sampu sa 12 manlalaro ng bansa ang nakakuha ng kahit isang rebound sa pamumuno nina Fajardo, Malonzo at Brownlee na may tig-lima.

SUPERB BENCH SCORING. Nakaasa rin sa kanyang reserves sa larong ito si Reyes dahil sa inambag nilang 58 points laban sa 53 lamang ng Lebanon. Dahil dito, ligtas sabihing kargado ng mga talentadong manlalaro ang bench ng Gilas. Makatutulong ang malalim na player pool upang mapanatiling kontrolado ng isang koponan ang takbo ng laro oras na ipahinga ang starting five.

Bagay sa Sistema si JB

Nagrehistro ng mga disenteng numero sa kanyang debut si Justin Brownlee upang pamunuan ang panalo ng Gilas kontra Cedars. (Larawan mula FIBA)

Kuminang sa kanyang debut game para sa Pilipinas ang pinakabagong Gilas naturalized player na si Brownlee. Nagsumite siya ng 17 points, four rebounds, five assists at two steals sa loob ng halos 30 minuto. Wala ni isang turnover, si JB ang most efficient player ng Reyes-mentored squad na may true shooting percentage na 57.12 porsyento at +/- (plus minus) na 11.

Efficiency

Sa propesyonal basketbol, isa ang efficiency sa mga pangunahing istadistikang ginagamit upang ikumpara ang naging kontribusyon ng bawat manlalaro. Kinakalkula ito sa pamamagitan ng mga sumusunod na basic individual statistics: points, rebounds, assists, steals, blocks, turnovers at shot attempts. Batay sa Alvin Almazov website, narito ang formula upang masukat ito: EFF = (Pts + Rebs + Ast + Stl + Blk — Missed FG — Missed FT — TO) / DP.

Baguhan man sa pambansang koponan, hindi nahirapan ang three-time PBA Best Import na makibagay sa kanyang teammates. Sa galaw ni JB, tila ba matagal na niyang inirerepresenta ang Pilipinas sa international competitions. Hindi lang siya scorer, passer din. Paano naging madali sa kanya ang adjustment? Para sa mga nakasaksi na sa galawan niya, ang nagkakaisa nilang sagot: team player kasi si Brownlee.

Ayon kay El Hajj, hindi na siya nagulat at ang kanyang team sa ipinakita ni Brownlee. Naglaro para sa Al Riyadi sa Lebanese Basketball League (LBL) noong 2019 si JB kaya’t pamilyar sa kanila ang laruan nito. Kuwento pa niya, hindi mahilig sa one-on-one plays ang tubong Tiffon, Georgia, U.S.A.

Kung si Dwight Ramos naman ang tatanungin, halos parehas lang sila ng sentimyento ni El Hajj. Ani Ramos: “Sometimes, you think, when you play with an import, you kind of like ball dominant. But he is a team player.” “You can see he has great skill. His midrange is really good. He can shoot. He can pass. He does everything. He is one of the perfect players for our team,” dagdag pa niya.

Nagbahagi rin sina College of Saint Benilde (CSB) Blazers head coach Charles Tiu at Tiebreaker Times sports columnist Ryan Alba ng kanilang mga saloobin sa Twitter tungkol sa kauna-unahang laro ni JB para sa bansa. Parehas silang kumbinsido na fit sa kasalukuyang sistemang iniimplementa ng Gilas si Brownlee.

Siguradong sasang-ayon din ang marami na dahil sa tagal na ni Brownlee na naglalaro sa PBA, nagamay niya na kung papaano nilalaro ng mga Pilipino ang basketbol. Taong 2016 nang magpagkilala sa liga si JB suot ang Gin Kings jersey at magmula noon, nagsilbi na siyang resident import ng naturang ng San Miguel Corporation (SMC).

Team first mindset at familiarity ba kamo? Si Brownlee na siguro ang best choice bilang naturalized player ng Gilas.

Magandang Performances nina Malonzo, Amos

Kuminang din para sa hanay ng Gilas na sina Jamie Malonzo at Mason Amos na kapwa naka-double pigura. (Mga larawan mula FIBA)

Maganda rin ang inilaro nina Malonzo at Amos para sa Gilas. Silang dalawa lang naman ang sumunod kay Brownlee bilang most efficient players ng Pilipinas kontra Lebanon. Mayroong efficiency na 19 ang high flying Ginebra forward habang 15 naman ang nairehistro ng 18 taong gulang na stretch big ng Blue Eagles.

Plus/Minus (+/-)

Sumasalamin ang plus/minus (PM) sa pagbabago ng scoring ng team kung nasa loob o labas ng court ang isang partikular na manlalaro. Sinimulan itong gamitin ng NBA noong 2007–2008 season. Upang mas maunawaaan kung ano nga ba ito, gamitin nating halimbawa ang PM ng best player ng Gilas kontra Lebanon na si Justin Brownlee.

May PM na 11 si JB na nangangahulugang na-outscore ng Pilipinas ng 11 points ang Cedars habang nasa loob siya ng court. Kung nagkataon naman na -11 ang PM ni Brownlee, nangangahulugang itong na-outscore ng Lebanon ang Pilipinas ng 11 points habang nasa loob siya ng court.

Ngunit hindi dahil negative ang PM, hindi na rin magaling ang manlalaro. Pakatatandaan na opensa lamang ng isang koponan habang nasa loob ang partikular na manlalaro ang sinusukat ng PM. Hindi pa kasama rito ang ambag niya sa depensa. Dapat ding maunawaan na kabilang sa mga salik na kasama sa kompyutasyon ng PM ang laro ng koponan ng isang basketbolista. Ibig sabihin lamang nito, hindi akmang gawing basehan ng kahusayan ng isang player ang PM stat.

PM Formula (per NBAstuffer): +/- for Any Player = (Team points scored while that player is on the court) — (Team points allowed while that player is on the court)

Tumikada si Malonzo ng 15 points mula sa 6/9 FGs, kabilang ang tatlong three-pointers. Kumolekta rin siya ng limang rebounds at tatlong assists upang maipakita ang kanyang pagiging all-around player. Samantala, sinorpresa ni Amos ang mga manonood sa kanyang flawless shooting sa binirang 5/5 FGs. Iniskor niya ang 11 sa kanyang 13 puntos sa third quarter na nakatulong upang maprotektahan ng Gilas ang double-digit lead nito patungong fourth period.

Umani ng papuri mula kay Philippine men’s national basketball team coach Reyes sina Malonzo at Amos. Aniya, nagsilbing silang ‘spark’ ng second unit ng Gilas at ang maganda nilang ipinakita ang kinailangang lakas ng Pilipinas upang pabagsakin ang Lebanon. Ibinahagi rin niyang ang dalawang manlalaro ang humalili sa frontline ng bansa sa tuwing nasa bench sina Fajardo at Brownlee.

--

--

Rodolfo Dacleson II

Certified sports junkie who loves watching replays of matches that resonated on him. Trying hard to deepen perspective about sports statistics.